Huwebes, Marso 30, 2017

Pangulong Duterte



Mahal Naming Pangulong Rodrigo Duterte,

         Tunay nga pong nararanasan na namin ang pagbabagong sinasabi ni'yo. Malaking pagbabago ang kinakaharap ng Pilipino dahil sa pamumuno ninyo.

         Isa na rito ang kaso ng drugs sa Pilipinas. Tunay namang magandang imahe sa Pilipinas ang pagbaba ng kaso ng ipinagbabawal na gamot at ang mga taong kasangkot dito. Ngunit kung inyo naman pong titingnan ang mga taong naninirahan sa bansang ito, nababakas ang galit at takot.

          Alam naman namin na hangad mo ang kapayapaan at kaayusan sa bansang ating sinilangan, ngunit sa aking palagay ay kinuha mo naman po ang katahimikan sa bawat Pilipinong naninirahan sa bansang ito.

          Disiplina ang nais mong ibigay sa amin, ngunit ang proseso at pamamalakad mo sa pagdidisiplina ay hindi kaaya-aya. Sinong tao ang matutuwa kung ano mang oras ay pwede kang mamatay? Tunay ngang masama ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot ngunit may mga tao talagang matitigas ang ulo at gumagamit pa rin kahit bawal.

          Tama lamang na disiplinahin sila, ngunit hindi naman siguro kailangang gamitan ng dahas at pagpatay. Ang pagkakakulong ng mahabang panahon sa bilangguan ay parang pag-aalis na rin sa isang tao ng kalayaang mabuhay. Hindi ba't parang mas mainam itong pagdidisiplina kaysa ang pumatay?

          
Lahat ng tao ay maaaring mabigyan pa ng pangalawang pagkakataon. At isa pa, kasalanan ang pumatay. Binigyan tayo ng Diyos ng buhay, kaya anong karapatan nating kunin ito? Wala tayong karapatang kumitil ng buhay ng tao.

          Pangulong Rodrigo Duterte, isa ako sa mga taong naniniwala sa iyong kakayahang mamuno. Ngunit hindi sagot ang dahas para magkaroon ng kapayapaan sa bansang ito.

          Kung ang bansang ito ay may kakayahang magbago, kayang kaya din ng mga taong matitigas ang ulo na magbago-pagdidisiplina sa mga Pilipino sa paraang magiging maayos ang kalooban ng bawat isa.


Lubos na Gumagalang,

ARA MAE Z. HERMOSO

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento